RESA Law: Anti-Poor, Anti-Pinoy, Sinisi Ng Industry Advocates Sa 6.75M Housing Backlog

Share on facebook
Share on twitter
Share on linkedin

NAGHAIN ng class suit ang real estate advocates noong Martes upang igiit ang pag-amyenda sa umanoý makalumang Real Estate Service Act of 2009 (RESA) na nagiging hadlang sa paglutas sa 6.75 milyong housing backlog ng bansa.

Inihain ang motion for declaratory relief laban sa Professional Regulation Commission (PRC) ng mga opisyal at miyembro ng A Better Real Estate Philippines (ABREP), isang kilusang naglalayong itaguyod ang pagiging inclusive at paggamit ng teknolohiya sa industriya.

Tinawag ng ABREP na “anti-poor, anti-Pinoy, and anti-technology” ang RESA Law dahil sa mga ilang probisyon na umanoý nagpapahirap sa maraming Filipino na magtrabaho sa real estate industry sa bansa.

“Ang nais naming makamit sa kilusan ay ang magkaroon ng mas inclusive at progresibong RESA Law. Ang kasalukuyang batas ay anti-poor dahil sa hindi kinakailangang requirements na nagpapataas lamang ng mga gastusin para sa mga gustong maging propesyonal. Ito rin ay anti-Pinoy sapagkat nabigo nitong itaguyod ang pantay na oportunidad  para sa mga Filipino habang ang mga dayuhang unauthorized ay patuloy na  nagpapatakbo,” sabi ni ABREP President Anthony Leuterio.

“Ang RESA Law ay anti-technology din dahil ginawa ito sa panahong hindi pa naisasaalang-alang ang pagsulong ng teknolohiya.” Sinang-ayunan ito ni Andy Mañalac, chairman at co-founder ng Havitas Development Corporation, na nagsasabing ang pag-amyenda sa RESA Law ay mahalaga sa pagtugon sa nakaaalarma nang housing backlog sa bansa.

Ayon sa pinakabagong datos ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), ang Filipinas ay kasalukuyang may 6.75 milyong housing backlog. Maaari itong tumaas ng hanggang 22 milyon sa 2040 kapag hindi natugunan ang kasalukuyang problema.

‘IBASURA’ ANG ­ILANG PROBISYON

“Sa pamamagitan ng pag-amyenda ng batas at pakikipagtulungan sa lahat ng mga stakeholder, ang industriya ay magiging mas produktibo at makakapagbigay ng trabaho sa maraming Filipino. Mas maraming Filipino ang magkakaroon ng pagkakataon na magkaroon ng disenteng pamumuhay at sariling bahay. Iyon ang isa sa  mga paraan na makakatulong  tayo sa pagbawas ng backlog,” ayon kay Mañalac na nagsilbi ring chairman para sa National Real Estate Association.

Binatikos din ni Noel Cariño, presidente ng Real Estate and Builders Association National President (CREBA), ang Section 32 ng RESA Law o RA 9646, na nagsasaad na ang partnerships at corporations ay kinakailangang magkaroon ng isang licensed real estate broker sa kada 20 na accredited sales-persons.

Ayon kay Cariño, kailangang ibasura ang 1:20 provision sa RESA Law para masiguro ang pinakamainam na real estate marketing sa bansa at makatulong sa pagresolba ng housing backlog.

Ayon sa advocates ng ABREP, kinakailangan ding amyendahanan ang Section 14 ng RESA na nagre-require sa mga kukuhang PRC broker licensure exam na magtapos ng Bachelor of Science in Real Estate Management (BSREM).

Isa pang kailangang baguhin, ayon sa ABREP, ay ang Section 28 ng RESA na nagsasabing ang rules at regulations nito ay hindi nag-a-apply sa kahit sinong indibidwal, natural or juridical, na direktang nagsasanay bilang isang real estate service practitioner patungkol sa sariling property, “except real estate developers.”

“Ang pangunahing layunin namin dito ay ireporma ang regulatory framework ng industriya. Inaasahan namin, sa pamamagitan ng isang class suit, ay masimulan nating gawing mas inclusive ang real estate profession sa bansa at maging mas accessible ang industriya,” ayon kay Divina Law Senior Partner Atty. Estrella Elamparo.

Dagdag ni Elamparo, kinakailangan ding klaruhin at iresolba ang redundancy sa regulators, kung saan dalawa ang nag-o-oversee ng industriya: ang PRC at ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Noong 2016, nag-issue ang HLURB ng memorandum circular kung saan nire-require ang brokers and salespersons na magrehistro sa nasabing ahensya, bilang pagsunod sa Presidential Decree 957.

Ang mga lalabag sa nasabing memorandum ay maaaring pagmultahin o makulong, ayon sa HLURB. “Kami sa ABREP ay hindi anti-RESA, kami ay pro-Pinoy. Ang RESA Law ay kinakailangang amyendahan, hindi i-abolish. Ngunit para sa isang makabuluhang  pagbabago, kinakailangang magtulungan ang  lahat ng industry practitioners at ang gobyerno para magkaisa sa layuning gawing mas inclusive at progresibo ang RESA Law,” ayon kay Leuterio.